PAULINE BIANCA MESINA
4 min readMar 6, 2021

Dekada 70'

source: https://www.deviantart.com/choco-java/art/Dekada-70-629846434

Mula sa pamagat na Dekada 70, ang kaisipang ito ay naglalarawan ng mga kaganapan nailahad sa tagal ng panahong ito. Ano nga ba ang nababalot sa panahon ng dekadang ito? Ito ay napapanahon na kung saan ang Martial law ay ang pinaka-usap usapan dito. Hindi lang ito batas, ngunit umiikot din dito ang kalupitan at lakas na puwersang pisikal. Marami ang napahamak dito, puno’t dulo nito ay ang diktador na nagtatag nitong batas na si, Ferdinand Marcos.

Si Lualhati Bautista ay tanyag na babaeng Pilipinong manunulat. Tinapos niya ang kursong journalism sa Lyceum University of the Philippines, ngunit hindi din natuloy matapos ang unang taon. Siya ay nakilala sa makatotohanang pagpapahayag ng mga nakaraan na isyu ng mga kababaihan at sa lipunan din. Siya ang sumulat ng nobelang Dekada ’70. Sa nobelang iyon, makikita na ang mga pangyayari ay base sa totoo at aktwal na karahasang pisikal ang ginamit na akto. Lalong lalo na sa mga inosenteng Pilipino na nasangkot. May mga karakter duon na ipinaglalaban ang karapatan nila na nilalabag sa diktaturya ng panahon ng batas militar na si Marcos.

Ang pamilyang Bartolome ay makikitang disente at may pinag-aralan. Mataas ang pagtingin at hindi mahirap. Ang mga magulang ay sina Amanda at Julian na isa sa mga bumida sa palabas. Si Amada ay sumisimbolo ng mga kababaihan na mababa ang pagtrato dahil sa notion na mas kinikilala ang mga lalaki na mas malakas at mas may karapatan. Si Julian naman ay may maling pananaw sa mga ginagampanan ng mga kalalakihan at kababaihan. Siya ay nagrerepresenta ng mga stereotypes. Ang panganay ay si Jules, sumasangkot sa mga kilusan subalit tutol ang magulang niya dito. Kaya’t unang nagkaroon ng hidwaan ay sa bahay ng pamilya. Ngunit nang tumagal ay hinayaan na lamang nila ang kagustuhan ni Jules ngunit ito ang nagdulot ng pangungulila ng kaniyang ina. Ang pangalawang anak nila ay si Gani na unang nagkaanak. Plinano niya ang pagtatrabaho sa US para sa Navy. Subalit hindi gusto ni Jules ang pagsilbihan ang iba dahil hindi ito makabayan. Siya ay sumisimbolo ng teenage pregnancy o early pregnancy na hindi naman sigurado sa kaniyang partner. Ang kasunod naman ay si Em, mahilig siyang magsulat ng mga artikulo na pinagbabawal sa panitikan. Siya ang unang nakasaksi sa nangyari kay Jason. Ang ikaapat naman ay si Jason ngunit nagkaroon ng madilim na katapusan dahil sa mga malulupit na pulis. At ang pinakabunso na si Bingo, ang inosenteng bata na nakasaksi nang iba’t ibang storya mula sa kaniyang mga nakatatandang mga kapatid sa bahay.

Ang mga tauhan ay may iba’t ibang klaseng likas na karakter na nakapaloob sa kuwento. Mayroong mga stiff at may dinamikong karakter. Sa pamilya ni Amanda, iba’t ibang opinyon ang kanilang isinasaisip at isinasapuso. Tulad ni Jules at ang kaniyang mga magulang, na hindi nila naintindihan nang tuluyan at hindi malaman laman ang rason sa likod ng ipinaglalaban ni Jules. Katulad ng normal na pamilya, may pagkakaiba tayong lahat. Minsan ay nagbabago at minsan ay pinaninindigan.

Marami ang makabuluhang tagpuan ang tumatak sa buong panonood ko ng palabas. May mahinahon at may mabigat na lugar na lumarawan ng iba’t ibang kahulugan. Tulad ng hapag-kainan, dito nakakapag-usap nang matino ang buong pamilya. Isa pang halimbawa ay ang kulungan at ang lugar kung saang tinorture si Jules. Sumisimbolo ito ng paninindigan bilang Pilipino na may ipinaglalaban at tapat.

Ang teoryang umiikot sa nobelang ito ay ang Feminismo. Makikita naman sa una parte pa lamang ng palabas, may katotohanan na hindi magawa nang mga kababaihan ang gusto nila sa pagkamit ng trabaho at makikita ring ang boses ay hindi nalalahad. Lalo na sa hapag-kainan napansin ko ba namang hindi madalas magsalita ang ina duon. May mga parte din duon sa palabas na mas nasusunod ang lalaki sa paggawa ng maselang aktibidad. Masyado itong controlling kung tignan. Sa huling parte ng pelikula mapapansin na ayaw magpakita ng emosyon si Julian dahil sa pagkamatay ng kaniyang lalaking anak na si Jason. Ito ay isa sa mga tawag na toxic masculinity na kapag ikaw ay isang ganap na lalaki, bawal kang magpakita ng emosyon o weakness o kahinaan. Sapagkat noon, maraming kaibahan ang ginagampanan ng lalaki at ng kababaihan. Tulad ng pagtrabaho, pagboto, o sa edukasyon. Kung may mapag-aaralan man ito ay tungkol sa mga gawaing bahay tulad ng pananahi, pagluluto at paglalaba. Ngunit pagtagal, mas napapansin ko naman na may boses na ang mga kababaihan at alam na namin ang mga karapatan namin bilang tao.

Dekada Sitenta. Para sa iba ay isa lamang pelikula na kung saan ang mga bigating artista ng ating bansa ay may kanya kanyang karakter na ginampanan. Ngunit para sa akin, ito ay isang obra maestra ng isang respetadong may akdang inilikha noong panahon na kung saan ang isang normal na pamilya na may normal na kabuhayan ay nagiba ang kapalaran. Hindi lamang ito palabas o nobela, ngunit may ipinapakita at ipinaparamdam ito. May dukha, mabigat na kaharasan, kalayaan at paninindigan. Mas namulat ako nang makita ko ang torture na ginawa sa mga inosenteng mamamayan lamang. Bilang kabataan, angkop itong mabasa ng aking kapwa mag-aaral, dahil maganda ang mensahe na ipinapakita nito. Hindi lamang dahil sa martial law o sa pamahalaan Marcos, ngunit may mga tagong teorya na makikita mo tulad ng realismo at ng feminismo na dapat bigyan ng pansin. Dapat lamang tayong maging mulat sa katotohanang hindi madali. Ipaglaban ang nararapat. Mayroong batas na naipatupad na Anti terror law. Sana hindi na lamang ito naipatupad, dahil kailangang mapakinggan ang boses nang bawat isa para sa ikabubuti rin ng bansa. Itong batas ay naglalahad na pwede kang hulihin kahit walang warrant, marami ang pwedeng mapahamak dito na ipinaglalaban lamang ang karapatan at ang ikabubuti ng lahat.

mga tauhan- https://brainly.ph/question/404270
talambuhay ni Lualhati Bautista- https://dokumen.tips/documents/talambuhay-ni-lualhati-bautista.html